Sunday, December 24, 2006

Christmas (C)

I am sorry but I had no time to translate this into English.



May di inaasahang liham na dumating sa pamilya ni Angelo Relon. Ito ay gating sa Amerika. Sino naman kaya ang kakilala nila sa Amerika? Dali-daling binuksan ng buong pamilya ang sulat. Mas lalong nabigla sila sa nilalaman nito. Gating ito kay Kristina Relon, isang kamag-anak daw nila. Ang kanyang pamilya ay pumunta daw sa Amerika bago pa sumiklab ang Ikalawang Pangmundong Digmaan. Doon na nagka-asawa ang kanyang lolo. Ngayon ibig niyang madalaw ang lupa ng kanyang mga ninuno. Darating siya sa susunod na buwan, at nagpapasundo siya sa airport.

Tuwang-tuwa ang buong pamilyang Relon. May kana pala silang kamag-anak sa Amerika. Ano kaya ang kanyang mukha? Siguro matangkad siya at dilaw ang kanyang buhok. Siguro matangos ang kanyang ilong at hugis Coca-cola ang kanyang katawan, tulad ng mga artista na nakikita sa mga sineng Ingles.

Paano kaya siya darating? Siguro siya ay may bag na malaki. Siguro siya ay nakabestidang maganda at nakasapatos pa ng mataas ang takong. Nag-iimagine na ang buong pamilya sa kanilang kamag-anak na Kana.

Ano kaya ang itatawag nila sa kanya? Tita? Auntie? Mommy? Isang buwan din nilang pinag-usapan ang mga tanong na ito.

Sa wakas dumating ang takdang araw. Maaga pa ay nasa airport na ang buong pamilya. Para makilala ay gumawa sila ng malaking karatula na may nakasulat na "Welcome Home, Kristina Relon!"

Marunong pa kaya siyang managalog? Baka maubusan sila ng Ingles. Hanggang sa airport ay mainit pa nilang pinagtatalunan ang mga tanong na ito.

Dumating na ang eroplano, lumabas ang mga pasahero. Humaba ang leeg ni Angelo at ng kanyang mga anak-humahanap ng matangkad, maputi, at may dilaw na buhok na may dalang malaking maleta. Isa-isang dumaan ang mga pasahero; wala silang nakita. May dumating na teenager, may dalang knapsack, pandak, naka-tsinelas, pango ang ilong. Kumaway sa kanila, binati sila, ngunit hindi nila pinansin, tumayo lang ito sa tabi nila.

Noong nakaraan na ang lahat ng pasahero, malungkot na tiniklop ng pamilyang Relon ang kanilang karatula.

Lumapit uli ang teenager at nagpakilala sa Tagalog na siya si Kristina Relon. Hindi siya pinansin, hindi siya ang Kristinang inaasahan nila. Pandak lang siya, itim ang kanyang buhok, nagta-Tagalog siya. Hindi maaari! Dapat iba siya! Kaya umalis sila na iniwan sa airport ang bisitang kamaganak na kanilang dapat salubungin. (Bishop Pabillo)

Ang karanasan ni Kristina Relon ay naging karanasan din ni JesuCristo. Ayon sa ebanghelyo ni San Juan: “Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap.”

Sa Paskong ito nawa'y matagpuan ni Kristo ang puso natin na handang tumanggap sa kanya.

No comments: